Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

11 January 2008

Trail

Halika
maglakad tayo pabalik sa baybayin ng ating mga pangarap.
Ngalumatang baliktanawin ang kahapong puno ng pangako.
Liwanag ng mukhang sumasalo sa silaw ng araw
Inosenteng mga mata
Tumitig na walang mantsa ng malisya
Ang pakiramdam, dala ng pagod sa pagtakbo
Hingal ng ligayang wagi sa karera
Ang paninikip ng dibdib sa naguumapaw na sabik at kaba

Halika
iwanan muna natin ang bangin ng alanganin.
Punasan ang luha at ipikit ang mata sa nangangantiyaw na pait ng kasalukuyan.
Ulong nakakulong ang hugis sa dilim ng anino
Namamagang bukana ng pananaw
Nakatingin sa kawalan binakasan ng karahasan
Nanghihinang mga tuhod na sugatan
Paghabol ng hininga habang umuusad palayo
Pagdurugo ng pusong manhid na sa kirot

Halika
Unahan natin ang kalawakan ng kaharian ng kagalakan
Tingalain ang langit at hagkan ang pag asa ng bukas
Bagong hilamos na pisngi
Paninging naglilinaw
Ngiting labing dadampi sa ligaya
Kinaros na langib sa sugat na naghilom
Paghupa ng bagang lunod sa halimuyak ng umaga
Kaluluwang sabik makipaglaro sa yapos na inaasam

Halika na
Alanganin man ang patutunguhan
Mabuti nang lumakbay
Kaysa mapagiwanan

Halika na
Babalik man sa pinanggalingan
O salubungin ang patutunguhan
Umusog na sa kinatatayuan