Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

25 February 2006

Tignan natin...

Ipikit mo mata mo at tumingin ka sa taas...

HA? Paano naman ako titingin sa taas kung nakapikit ang mata ko?

Basta sundan mo na lang ang sinasabi ko. Hindi naman sa tuwing titingin ka alam mo kung ano na ang makikita mo diba?

Ang labo naman kasi nun eh.

Wala ka yatang tiwala sakin.

Wala nga!

Bakit naman?

Kasi sa tuwing makikinig ako sa'yo, wala akong napapala.

Akala mo lang yun. Hindi ka kasi makahintay. Wala pang nangyayari, lumalayo ka na. Hindi pa ko tapos magsalita, may sagot ka na. Hindi pa man lumilitaw ang gusto kong ipakita, nakatingin ka na sa iba. Simple lang naman hinihingi ko. Konting panahon lang. Gusto ko lang kasing bumawi sayo. Pwede ba? Kaya pa ba?

10 February 2006

Buhos

Ililigo ko na lang 'to. Paghaluin ang luha at daloy ng tubig sa aking mukha. Baka sakaling mahugasan ang sakit na nararamdaman at mabanlawan ng bagong pag asa. Pag asang dala para sa pagharap sa bagong umaga.

08 February 2006

Paalala mo nga

Ala una na.
Mulat pa rin ang mata .
Nakatitig sa telebisyon
hindi naman nanonood.

"I know what you did last summer"

Buti ka pa.
Di ko na maalala eh...

03 February 2006

Ano daw?

Tatlumpu't pitong minuto.
Ganun katagal.
Hinintay ko ang sagot mo.
Wala rin naman pala!

Ang labo mo tsong!

Baka kasi umabot nga sayo...

Ano ngayon kung malaman mo?
Marahil ay ito na nga ang itinakdang oras upang malaman mo.

Ikaw ang nagtanong,
kung hindi ito ang inasahan mong sagot,
pasensya ka.
Ikaw ang nagtanong.

Kung hindi ka ba naman tatanga tanga, matagal mo na sigurong napansin.
Hindi ka naman siguro ganun kamanhid ano?
Palagay ko nga matagal mo nang alam.
Ayaw mo lang talagang pansinin.
Di kaya takot ka lang?
Baka nga takot ka.
Na pareho na tayo ng nararamdaman.

Hindi rin siguro...
Ako lang yata nagiisip nun.
Gusto kasi kita eh.
Mali.
Mahal na nga kita.

02 February 2006

Malikmata

Munting kutitap ng pag asang nakasilip sa siwang ng iyong puso. Pagkurap ko'y wala na ito. Wala ni aninag ang naiwan kundi ang batong pader na minsa'y sinubok kong gibain.

Noon nga lang ba yon?

Habang pinagmamasdan ko ang iyong kagandahan,
Tumigil ang pag ikot ng mundo.
Ngunit mundo ko lamang ang tumigil.
Ninais kong manatili sa aking kinatatayuan.
Labinlimang hakbang mula sa iyong kinatatayuan.
Labinlimang hakbang na parang labinlimang milya kung aking lalakbayin.
Hinangad ko na ang oras ay biglang bumagal,
sabay biglang bilis naman nito na tila ba hindi na mahahabol.
Sa isang iglap ika'y naglaho.
Sa isang kisapmata nakuha mong mawala sa paningin ko.
Siyam na taon na ang nakalipas.
Siyam na taon at muling pinagsalubong ang ating landas.
Iba ka na ngayon.
Lalung iba na ako.
Hindi na ako ang batang kinaaliwan mo noon.
Madami nang nagbago.

Mga payo mo noon sakin, ibinabalik ko sayo ngayon.
Ikaw na ang nag aabang sa pagkiriring ng telepono.
Sa kalagitnaan ng gabi, ikaw ang tatayo sa labas ng aking bintana.
Bakit? Kasi gusto mo lang ng kasama, ng kausap.
Sawa ka na sa busy tone eh.

Mahaba rin ang siyam na taon.
Madami ang nagbago.

Siyam na taon.
May isang hindi nagbago.

Mahal pa rin kita.