Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

28 November 2005

Sinag Tala

Ang tadhana ay sadyang mapili. Hindi lahat ng inaasam ng puso ay siya niyang ipagkakaloob. Marahil ito na nga ang aking kapalaran.

Nandito lang ako, napaglipasan na ng pagkakataon, nalimutan na ng panahon. Hindi na muling lalapit. Hindi na muling hihiling ng pawi sa aking uhaw sa iyong kalinga. Nandito lang ako. Maghihintay ng isang pang butil ng pag asa mula sa mga talang unang nagkaloob sa akin ng isang saglit.

Isang saglit. Banayad ang simoy ng hangin na dala ang halimuyak ng mga bulaklak. Makulay na mga bulaklak na pumapaligid sa dalawang nilalang na pinagtagpo sa payapa ng gabi. Nilimot ang karahasan ng katotohanan at nagsalo sa pag ibig na pinagbigyan ng mga tala.

Ngunit ika'y pinahiram lamang sa akin. Pinagbigyan lang ako ng mga tala. Hiling ko lamang ay yakapin mo ako habang atin ang gabi. Bago tayo datnan ng umagang aagaw sa ligayang ating pinagsaluhan.

Ang araw ay sisikat na. Nandito lang ako. Dito na ako mananatili, sa kanlungan ng iyong pagmamahal, sa alaala ng isang kahapon, nang aking matagpuan ang iyong pag ibig sa gitna ng karimlan.

Nandito lang ako. Maghihintay sa itinakdang oras na ika'y muling ipagkakaloob sa akin ng mga tala. At ang tadhana ang magbibigkis sa dalawang kaluluwang pinagtibay ng pagmamahal na naghintay hanggang sa sukdulan ng panahon.