Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

05 January 2007

Sa Mundong Ika'y Akin

Habang nakatayo ako dito at pinagmamasdan and iyong kagandahan sa piling ng iba, natauhan ako bigla sa masakit na sampal ng katotohanan. Ilang beses na ba akong natayo sa ganitong posisyon? Ilang ulit ko nang nasaksihan ang ganitong pangyayari? Naninikip ang aking dibdib sa dahangdahang pagpunit sa aking puso. Ngunit hindi ko man lang madama ang sakit. Napapatungan ito ng tamis ng iyong mga ngiti at liwanag ng iyong mukhang punong punong kasiyahan. Kasiyahang dala ng iyong mahal.

Sa bawat sandali ng kaligayahang nararanasan mo, sa loobin ko'y hinahangad na ako ang iyong hagkan at hindi ang lalaking hindi lang minsan bumalewala sa iyo. Sa bawat paghapo ng kanyang palad sa iyong pisnging mamulamula, ang init ng haplos parang gumagapang sa aking sariling balat. Pikit matang iniisip na ako ang may hawak ng iyong kamay na may mga malakandilang daliri. Ang iyong yakap na hindi ko ni minsan natikman, alam ko kung anong galak ang dala sa aking karimlan.

Mga sandaling hindi ko pagaari. Mga karanasang hindi akin. Ang iyong pusong inangkin na ng iba. Sa aking mga panaginip, mga labi mo ang pangalan ko ang sambit.

Sa panaginip.
Habang mga mata'y nakapikit.
Doon, tayo's magiging isa.