Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

26 September 2007

Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

Nagising ako sa gitna ng bukang liwayway at umaga. Sa oras na ang mga tala ay maningning paring nagkikislapan. Ang buwan ay papalubog at ang araw ay nagsisimula nang sumilip sa silangan.

Sa gawing timog maririnig ang awit ng maya pinapalitan ang magdamag na bulong ng kuliglig. Ang ihip nang hanging sumasaitsit sa mga kawayan, kung pakikingang mabuti, tila boses ng nilimot kong sinta.

Sumilip ang haring araw ngunit nagtago rin sa madilim na anino na nagpakulimlim sa kalawakan ng langit. Mga nagbibigatang ulap na dala ang luha ng mga diyos. Ano mang oras ay nanganganib nang bumagsak.

Isang patak ang dumapo sa yerong bubungan, sinundan pa ng isa na kumatok sa bintana. Sunod sunod na pagpitik sa mga dahon ng papaya. Dumaloy ang katas ng langit sa biyak ng lupa.

Kay lamig ng dampi ng hangin sa aking basang balat. Tingala kong minamasdan ang isa isang pagdating ng mapaglarong wisik. Sadyang bagsak ng hubad kong paa sa naipong tubig sa kalsada. Humagikgik sa tuwa. Mata'y nangingintab. Dama ang init sanhi ng balat na pinagdikit. Sa gitna ng karimlan, ika'y natagpuan at ako'y inangkin.