Kasabay ng Pagpatak ng Ulan

06 December 2005

Muli, sa iyong panaginip. Sa susunod na pagkikita.

Gabi na, bakit nga ba gising ka pa?
Marahil ay hindi ka dalawin ng antok pagka't sa iyong isipa'y patuloy pa ring tumatakbo ang mga alaala ng pag ibig na binawi ng tadhana. Pilit mo mang ipikit ang iyong mga mata, kahit sa kadiliman, sumisilip pa rin ang ningning ng kanyang mga mata.

Ano pa nga bang magagawa mo? Kahit ilang luha pa ang pumatak sa iyong mga mata, hindi na maibabalik ang buhay na nasayang at pinakawalan lamang.

Minahal mo siya, sobra pa sa sukdulan ng walang hanggan. Ngunit hindi ka nagsalita kung kailan kinailangan. Tahimik kang nagmahal sa sulok ng iyong puso. Tama na para sa iyo yun. Hindi ka naman niya kayang mahalin diba? Hindi kayo ang itinakda sa isa't isa. Tinanggap mo na yun. Masaya ka na na makita mo lamang siya. Masaya ka na na napangiti siya, kahit hindi na ikaw ang nagpangiti sa kanya. Masaya ka na sa sulok mo habang pinagmamasdan ang kanyang kagandahan.

Naghintay ka ng kahit katiting na pag asa. Kahit konting pagtingin na maaring umusbong sa inyong pagkakaibigan. Ngunit hindi buo ang iyong tiwala. Naroon na ang pagkakataon, hindi mo na lang pinansin. Sino ka nga ba para mahalin niya diba? Patuloy mo na lamang siyang minahal sa katahimikan ng iyong sariling daigdig.

Isa, dalawa, tatlong araw. Isang linggo. Buwan. Taon. Nariyan ka pa rin.

Ang hindi mo alam, naghintay rin siya, nagmahal rin siya. Naghintay na ika'y lumabas mula sa iyong sulok. Nagmahal ng lubos at tahimik lamang na naghintay na sabihan na siya'y mahal mo rin. Hanggang sa kahuli hulihang sandali ng kanyang maiksing buhay, siya'y naghintay.

Marahil hanggang ngayon, siya'y naghihintay na muli kayong ipagtagpo ng tadhana at mananatili sa katahimikan ng kanlungan ng inyong pagmamahal. Marahil nga.

Pagod ka na. Malalim na ang gabi.

Sige lang, ipikit mo na ang iyong mga mata.

Naghihintay na siya.